Patay ang isang teacher na babae sa pamamaril ng karelasyong sundalo sa loob ng kaniyang classroom umaga nitong Miyerkoles sa lalawigan ng Bulacan.

Sa ulat ng "Dobol B sa News TV" sinabing nagpakamatay din ang sundalo matapos barilin ang karelasyon.

Sa panayam sa Dobol B, sinabi ni Bulacan  Provincial Police head Senior Superintendent Chito Bersaluna, na may natagpuang sulat sa lamesa ng guro matapos ang insidente at umanoy nagsasabing "kamatayan lamang ang makapaghihiwalay sa kanila" at pirmado raw ng dalawa.

Hiwalay na umano sa kaniyang asawa ang biktima at may mga anak ito.

Samantala, sa followup report ng "Balitanghali," sinabi ni Bersaluna na may isang estudyanteng na sugatan dahil sa pamamaril, na sa ngayon ay nilapatan na ng lunas.

Agad naman umanong pinauwi ang mga apektadong mag-aaral at nakipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa DSWD. 

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang insidente. —LBG, GMA News