Nasugatan ang dalawang batang magkapatid nang pagsasaksakin sila ng kanilang ama sa kanilang bahay sa Negros Occidental. Ang suspek, hinihinalang may sakit sa pag-iisip at nangungulila sa kaniyang asawa.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing kaagad na nadala sa ospital ang mga batang biktima nang magtungo sa kanilang bahay ang kanilang lolo at lola.

Matapos gawin ang krimen, nagsaksak naman sa sarili ang ama na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Base sa imbestigasyon, posibleng may sakit umano sa pag-iisip ang suspek na dala ng kahirapan sa buhay at ang pangungulila sa asawa nito na nagtatrabaho sa Cebu City.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News