Duguan ang dalawang tricycle driver na nahuli-cam na nagsusuntukan at nagpapaluan ng tubo sa Dingras, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regioanl TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente malapit sa mga nagtitinda sa  Barangay Madamba.

Hindi kaagad nalapitan ang dalawa para maawat dahil na rin sa may hawak na tubo ang isa sa kanila.

Nang maawat din kinalaunan, duguan sila pareho na dinala sa ospital.

Ayon sa pulisya, dati nang may hidwaan ang dalawang driver dahil sa pasahero.

Nagkaayos naman ang dalawa at hindi na magsasampa ng reklamo sa isa't isa.

Paalala ng mga awtoridad sa publiko, sa halip na unahin ang pag-video sa mga katulad na insidente, mas makakabuti kung kaagad na magre-report sa pulisya para mapuntahan nila at mapigil ang gulo. -- FRJ, GMA Integrated News