Higit pa sa sugat na likha ng pagpepenitensiya ang tinamo ng isang lalaki matapos siyang bugbugin at hampasin ng kahoy sa ulo ng dalawang lalaki sa harap ng isang simbahan sa Angeles City, Pampanga.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" itong Huwebes, makikita sa video footage na nakaluhod ang biktimang si Christian Pintoy habang isinasagawa ang tradisyon na penitensiya sa Mahal na Araw para humingi ng kapatawaran sa mga ginawang kasalanan.

Pero biglang nagkagulo nang atakihin siya ng dalawang suspek na nanuntok at pumalo sa kaniya ng dos por dos sa ulo.

Isinugod agad sa ospital ang biktima dahil sa tinamong mga sugat at bugbog sa katawan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, posible umanong alitan sa pamilya o personal na galit ang motibo sa nangyaring pag-atake sa biktima.

Sumuko kinalaunan sa mga awtoridad ang isa sa mga suspek na napag-alamang pinsan ng biktima.

Mahaharap ang suspek sa reklamong frustrated murder, habang hinahanap pa ang isang suspek.--FRJ, GMA Integrated News