Nahuli-cam ang pagbangga ng isang MPV sa dalawang SUV sa Bantay, Ilocos Sur. Ang driver ng MPV, aminado umanong nakaidlip habang nagmamaneho.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita ang MVP na bumibiyahe sa national highway sa bahagi ng Barangay Aggay nang bigla itong lumihis ng takbo.

Napunta ang MVP sa kabilang linya ng kalsada kung saan nabangga niya ang nakasalubong na dalawang SUV.

Mapalad naman ang mga rider na nakaiwas sa nangyaring salpukan, at walang seryosong nasaktan sa insidente.

Ayon kay Police Major Pol Areola, Officer in charge ng Bantay Police Station, ipinaliwanag ng driver ng MPV na napagod siya sa pagmamaneho at nakaidlip hanggang sa lumihis na siya ng takbo at magising nang bumangga na.

Nakatakda umanong mag-usap ang mga sangkot sa insidente, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News