Tatlo ang nasawi, at dalawa ang sugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang kotse sa Luisiana, Laguna. Ang mga biktima na magkakaanak, galing umano sa lamay at pauwi na nang mangyari ang sakuna.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nagtamo ng matitinding pinsala sa ulo at katawan ang mga nasawi na pawang senior citizens.

Nagpapagaling naman sa ospital ang dalawa, kasama ang driver ng kotse.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sa Rizal ang  mga biktima mula sa pinuntahang lamay sa Bicol nang mawala sa linya ng kalsada ang kanilang kotse at tumama sa isang concrete barrier.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News