Batid ng 51-anyos na si Tatay Cristito Quimado ang kahalagahan ng edukasyon para makaahon sa kahirapan. Kaya naman nagsisikap siya para maitaguyod ang pag-aaral ng kaniyang mga anak sa pamamagitan ng kaniyang trabahong basurero at hindi naman siya nabigo.

Nitong nakaraang Abril, sinaksihan niya ang pagtatapos sa kolehiyo ng kaniyang anak na si Jenny Rose sa kursong Bachelor of Science degree in Nutrition and Food Technology.

Kuwento ni Tatay Cristito, araw-araw siyang gumigising ng alas-tres o alas kuwatro para pumasok sa kaniyang trabaho. Hindi umano madali ang manguha ng basura at may kasama itong peligro sa kalusugan.

Gayunman, gagawin daw niya ang lahat para sa kaniyang pamilya at mga anak.

Napagtapos na niya si Jenny Rose pero may apat pa siyang anak na pinag-aaral.

"Hanggat malakas ako, pipilitin kong makapagtapos silang lahat," saad niya.

"Yung pag-aaral nila hindi ko pinababayaan kasi yung lang yung ano ko sa kanila...makatapos sila," dagdag niya.

Sakabila ng trabaho ng ama, ipinamamalaki pa rin ito ni Jenny Rose.

“Minsan, pumapasok akong walang baon...pero nagpapasalamat ako sa Diyos na siya ang tatay ko kasi marangal ang trabaho niya. Wala siyang ginagawang iligal,”  ayon kay Jenny Rose.

Hindi naman naitago ni Tatay Cristito ang saya dahil hindi ikinahihiya ng anak ang kaniyang hanapbuhay.

“'Pag tinatanong ng tao, ‘Anong ginagawa ng tatay mo?’ Sumasagot 'yan, ‘Basurero.’ Hindi siya nahihiya,” nakangiting pagbahagi ni Tatay Cristito.

Ngayong nakatapos na, nais ni Jenny Rose na masuklian ang pagsasakripisyo sa kaniya ng ama. Nais niyang maibili ito ng mga bagay at madala sa restaurant.

“Gusto kong ako na ang magta-trabaho[para] ako na lang ang magpapa-aral sa mga kapatid ko,” ayon kay Jenny Rose kasabay pasasalamat sa kaniyang mahal na ama.— FRJ, GMA News