Laking tuwa ni Tatay Jerry Sagada Sr. nang maging lalaki ang kaniyang anak. Kaya hindi siya nagdalawang-isip na isunod ito sa kaniyang pangalan na tinawag niyang "Jerry Boy" para maging lalaking-laki ang paglaki. Pero may nangyari na hindi niya inaasahan—si Jerry Boy, naging Jerry Girl nang lumaki.

"Nung siya's isinilang lalaki siya sabi ko, "Ma, ating ipangalan sa pangalan ko para junior natin, para Jerry Boy. Para paglaki niya boy na boy siya. Paglaki  pala eh naging Jerry Girl siya," kuwento ni Tatay Jerry, 52-anyos.

Napansin daw niya ang pagiging bading ng anak nang minsan nakainom siya at makita ang pagiging maharot ni Jerry Girl  sa iba't ibang bagay.

Dito na pumasok sa isip niya na bakla ang kaniyang anak at kaniyang nasipa.

"Sinipa ko siya [at tinanong], 'Babae ka ba talaga o lalaki?' Sabi niya, 'Babae ako pa," saad ng ama.

Ayon kay Jerry Girl o si Mhayumi, nasa elementarya siya nang maramdaman niya ang pagbabago sa kaniyang sarili at karaniwan sa kaniyang mga kaibigan ay mga babae.

"Gu-mo [go] lang ako sa lahat ng pangyayari, sa takbo ng buhay. Kasi dun masusubukan kung gaano ako kamahal ng pamilya ko," saad niya.

Masakit man sa kalooban ni Tatay Jerry na naging bading ang anak, buong puso niya itong tinanggap at poprotektahan hanggang kamatayan.

Napatunayan naman ni Jerry Girl ang pagmamahal sa kaniya ng ama nang kaagad itong sumaklolo nang minsan may nang-alipusta sa kaniya.

"Hanggang patayan kaya ko siyang ipaglaban. Nu'ng nakita ko siya'y inaway, inilaban ko talaga siya hanggang patayan," sabi ni Tatay Jerry.

Kung noon ay naging mabigat sa kaniyang kalooban ang pagiging bading ng kaniyang junior, ngayon suportado ni Tatay Jerry at number one fan siya ng anak at tagapalakpak kapag sumasali sa mga gay pageant.

Pati ang pagtibok ng puso ni Jerry Girl sa kapwa lalaki, tanggap ni Tatay Jerry.

Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Jerry Girl sa kaniyang ama dahil tinanggap nito ang kaniyang naging pagkatao.

"Salamat din po sa pagtanggap sa akin bilang isang ganitong anak. Kahit po ganito akong anak n'yo never ko pong ipinakita na sa inyo na madi-disappoint ka sa akin," mensahe ni Jerry Girl.-- FRJ, GMA News