Maraming pagsubok sa buhay na pinagdaanan ang pamilya ni Tatay Totong ng Sultan Kudarat.  Pero sa kabila ng lahat, naging matatag sila sa buhay bilang isang pamilya.  At ang haligi ng tahanan, hindi tumigil sa pagiging kargador para maibigay sa anak ang kayamanan na hindi niya nakamit noon-- ang edukasyon.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang buhay ng pamilya ni Tatay Totong, na dalawang dekada nang nagkakargador.

Kahit may masakit na nararamdaman sa hita dahil sa pinsala na tinamo noong nabundol siya ng bus,  hindi tumigil si Tatay Totong sa paghahanap-buhay para maitaguyod ang pag-aaral ng anak na si Mailyn.

Hindi naman nasayang ang sakripisyo ni Tatay Totong dahil sinuklian ito ni Mailyn ng masusing pag-aaral hanggang sa makapagtapos siya sa kolehiyo.

"Parang naabot ko ang langit sa kaligayahn na kahit 'to lang ang trabaho ko, napagtapos ko ang anak ko," masayang sabi ni Tatay Totong na naniniwalang kayamanan ng isang tao ang edukasyon.

Si Mailyn naman, proud at hindi kailanman ikinahiya ang trabaho ng kaniyang ama, itinuturing niyang isang bayani.

"Ang papa ko masasabi kong hero. Ang dami niyang pinagdaanan sa buhay, ang dami niyang isinakripisyo para lang sa pamilya niya. Kaya masasabi ko, proud ako na kahit ang tatay ko kargador lang ang trabaho, pinalaki niya akong responsableng anak at may takot sa Diyos," saad niya.

Panoorin ang video na ito ng "KMJS" at kapulutan ng inspirasyon ang kuwento ng buhay ng pamilya ni Tatay Totong. Alamin din ang simpleng regalo na kaniyang tinanggap na nagpaiyak sa kaniya sa labis na tuwa.


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News