Sa kabila ng tagumpay na nakamit nang maging milyonaryo mula sa pagiging isang dating carwash boy, may isa pang pangarap na hinahangad si Edmar na hindi kayang tumbasan ng salapi. Kung ano ito, alamin sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Isinilang na mahirap at wasak ang pamilya si Edmar na lumaki na malayo sa kaniyang ama.

Sa kaniyang paglaki, naghanap si Edmar ng atensyon ng isang tunay na pamilya na hindi niya naranasan sa poder ng kaniyang tatay-tatayan nang muling mag-asawa ang kaniyang ina.

Sa halip, pambu-bully umano mula sa mga kamag-anak mismo ang kaniyang naranasan at wala siyang ama na magtatanggol sa kaniya.

“Ultimo panonood ng TV, pagbukas ng electric fan, baka malakas daw sa kuryente. Minsan pagkain, ‘oh kumain ka na. Tirhan mo yung kapatid mo. Tirhan mo yung stepfather mo. Yung pinambabaon mo, sa halip na napupunta sa kapatid mo, sa’yo napupunta,”  malungkot na kuwento ni Edmar.

Sa murang edad, natuto na siyang magbanat ng buto para mabuhay at makapag-aral. Kaya naman kung anu-anong trabaho ang kaniyang pinasok tulad ng pagtitinda ng gulay, parking boy, tagabantay sa computer shop, at paghuhugas ng mga sasakyan.

Sinubukan din niyang maging OFW, pero hindi siya nagtagumpay ay bigo na bumalik sa bansa.

Pero unti-unting nagbago ang kaniyang kapalaran nang mag-enroll siya sa TESDA at kumuha ng kursong barista.

Nang makatapos, ginamit ni Edmar ang nakuha niyang allowance na P8,000 at konting naipon para makapagtayo ng sarili niya coffee cart.

“Sabi ko, ‘Lord, makadalawang libo lang ako, okay na sa ‘kin.’ Pero alam mo, nung first day ko, kumita ako ng P12,000,” masayang kuwento ni Edmar.

Dahil sa pagtitiyaga, nadagdagan ang kaniyang coffee cart hanggang sa makapagpundar na siya ng mga bahay at sasakyan. Ang kaniyang napangasawa itinuturing niyang lucky charm.

Pero nakaranas siya ng pagsubok nang humina ang kaniyang negosyo at iba pang problema sa buhay kaya nasaid ang kaniyang ipon na pati ang kaniyang wedding ring ay naisangla niya.

Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, dumalo siya sa seminars tungkol sa pagnenegosyo ay isinagawa ang iba't ibang food cart business na umabot na sa iba't ibang bahagi ng bansa na naging dahilan para siya maging milyonaryo.

Sa kabila ng kasaganahan, isang bagay ang tanging hinihiling ni Edmar, ang mabuo ang kaniyang pamilya at makapagpakuha ng larawan na kasama ang kaniyang ama at ina, na hindi niya naranasan mula noong pagkabata.

Panoorin ang nakaantig na pagtatagpo nina Edmar at kaniyang ama, at ang katuparan ng kaniyang pangarap na walang katumbas na halaga. Kasabay nito, kapulutan din ang inspirasyon ang kuwento ng kaniyang buhay sa video na ito ng "KMJS."



Click here for more GMA Public Affairs videos

--FRJ, GMA News