Aminadong mahilig sa panonood ng malalaswang pelikula ang 28-anyos na tricycle driver na si Jason.

Mistulang bihag nga raw si Jason dahil imposibleng lumipas ang isang araw niyang hindi siya manonood ng mga ito.

"Wala naman nakakahiya sa ganoon 'di ba?" aniya sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Huwebes.

Ayon sa psychiatrist na si Dr. Mariano Gagui, hindi pa raw kinokonsiderang sakit sa isip batay sa diagnostic and statistical manual of mental disorders, pero maituturing pa rin daw itong personality disorder na kaya namang gamutin.

"Sa obserbasyon, usually, ang nagtutulak diyan ay loneliness, mag-isa ka, depression, 'yan very common yan. Sabi nila, hindi rin natin maiaalis, yung paggamit ng bawal na gamot, drugs," ayon kay Gagui.

Sa pag-aaral naman ng PNP anti-cyber crime group, isa raw sa mga dahilan na nagtutulak sa isang tao na magkasala sa batas gaya ng manggahasa ay ang labis na panonood ng mga pelikulang malalaswa. Problema raw ngayon ay halos lahat madaling makakapanood ng porn sa internet.

Isa sa ginagamit ngayon ang platform na Twitter.

Sinusubaybayan ng PNP ngayon ang ilang Twitter accounts na naglalaman ng mga pornographic materials.

Lalo pa raw mapangahas ngayon dahil puro menor de edad ang mapapanood at makikita.

Hindi raw ganoon kadali para sa PNP na magsagawa ng hakbang laban dito, kailangan pa rin nila ang pakikipag-tulungan ng mga tao.

Sabi ng Twitter sa ilalim ng kanilang rules, nakasaad na hindi nila pinapalampas ang child sexual exploitation sa kanilang site.

Tinatanggal daw nila agad ito kapag nai-report sa kanila at ini-rereport sa mga kinauukulan.

Permanently suspended din ang mga account na naga-upload o nagpo-promote ng ganito. —JST, GMA News