Marami sa atin ang "nagsusunog ng kilay" para sa isang layunin: para kumita, at nang sa gayon ay bumuti ang kalagayan sa buhay. Pero, para kay Audrey Hepburn, isang British actress at humanitarian, ang sabi niya: "Habang tayo ay tumatanda, matutuklasan natin na tayo'y may dalawang kamay – ang isa ay para tulungan ang ating sarili, at ang isa naman ay para tulungan ang ating kapwa."

Nakapanayam ko si Dr. Mildred Balbin Oliveros, isang pharmacist, may ilang buwan na ang nakakaraan. Isa siya sa maituturing ginagampanan ang sinabi ni Hepburn; at ito'y kahit noong kabataan pa niya. Bakit hindi nga naman? Nakuha niya ang genes ng kaniyang amang si Dr. Gavino V. Balbin, dating gobernador ng Abra at naging regional director din ng Department of Health.

 

Kilala si Dr. Gavino Balbin sa pagiging matulungin sa kapuwa noong siya ay nabubuhay pa.

Nabanggit ni Dr. Oliveros na ang kaniyang ama ay maawain sa mga mahihirap at hindi marunong humihingi ng kapalit.  Sa pagtanaw ng utang na loob ng mga natulungan niya, kung anu-anong gulay, manok o prutas ang dinadala pa rin nila sa bahay ng doktor.

"Tuloy, nakilalang isang opisyal ng gobyerno na may malaking puso ang aking ama," medyo nahihiya pang sabi ni Oliveros.

"Ang aking ina naman, si Dr. Lourdes B. Balbin, ay may botika noon. Madalas akong kasama niya sa tindahan namin ng gamot kaya siguro malaki ang naging inpluwensiya niya sa aking propesyon ngayon," salaysay pa niya.

Mabilis matuto si Dr. Oliveros. Sa edad na 19, nakatapos siya ng Bachelor of Science in Pharmacy degree sa Universidad ng Pilipinas o U.P.

"Kaya nga lang, hindi ako nabigyan ng karapatang umakyat sa entablado para sa oath-taking," kuwento niya. Ang dahilan: "Hindi pa raw ako 21 anyos, ang edad na required ng academe."

Pagkatapos maka-graduate si Dr. Oliveros, kumuha agad siya ng pharmacist licensure exam. Ang resulta,  siya ang naging topnotcher.

Sa edad na 21, nag-umpisa siyang magtrabaho at naging research assistant ni Dr. Magdalena Cantoria. Sa kaniyang trabaho, namangha siya sa galing na ibinibigay ng mga halaman para sa ikabubuti ng kalusugan ng tao.

"Oo nga, marami akong natutunan kay Dr. Cantoria sa pagre-research namin hinggil sa benepisyo ng mga halaman. Marami siyang itinuro sa akin na siyang naging aking gabay sa propesyon na ito," sabi ni Dr. Oliveros sa pagtanaw ng malaking utang na loob sa kaniyang dating boss.

Ang pagkahalina ni Dr. Oliveros sa kalikasan ay maaring bunga ng kagandahan ng mga tanawin sa Abra na kinalakihan niya.  Gayon na rin, palagay ko, sa mga nakikita niyang mga tanim sa kapaligiran na nagbunsod sa kaniyang saliksikin ang maibibigay nitong kabutihan para ating kalusugan.

Sa sipag at tiyaga, nakamit naman niya ang kaniyang doctorate degree sa College of Pharmacy ng U.P. nuong 1977. Nabigyan rin siya ng Post-Doctoral Fellowship sa Universidad ng Wurzburg sa Alemanya noong 1996. Pati sa National Cancer Institute sa Maryland, USA, napili rin siya na maging Exchange Visiting Scientist noong taon din ng 1996, dahil sa kaniyang masidhing interes at kontribusyon niya sa panaliliksik.

Matindi ang pagnanais niyang makatuklas pa ng mga gamot na makakabuti sa lahat, lalo na para sa mga kapus-palad. Nagtataka tuloy siya na sa dinami-dami ng ating likas na yaman sa bansa ay kakaunti lang ang mga alternatibong lunas sa sakit. Kung mayroon man, hindi pa rin daw makayanan ng bulsa ng mahihirap.

Hindi maikakaila na sa dinami-dami ng taon niya sa pananaliksik ng iba't ibang klaseng gamot, malayo na rin ang narating niya locally o internationally.  Naisulat na ang iba niyang ginawang pananaliksik sa mga scientific journal sa iba't ibang sulok ng mundo.

Nabigyan siya ng parangal bilang isa sa mga Women Achievers sa librong "A Century of Women in Science," na hinayag ng National Academy of Science and Technology.  Ibinoto rin siyang "Most Outstanding Pharmacist in the Area of Research" ng Philippine Pharmaceutical Association nuong 1995. Maliban dito, marami pa siyang nakamit na awards at citations ukol sa kaniyang career.

Nito lang Hunyo 16, 2018, iginawad sa kaniya ng UP Pharmacy Alumni Association ang 2018 Lifetime Achievement Award.

Umabot na rin sa 42 taon ang pagiging guro ni Dr. Oliveros.  Libo-libong estudyante ang kaniyang mga naturuan sa iba't ibang pamantasan,  tulad ng U. P. sa Manila at Clark Air Base at sa Manila Central University (M.C.U.) din. Nagturo din siya sa U.P. San Fernando, at naging assistant director ng paaralan.  Sa U.P. College of Pharmacy siya nagturo magmula noong 1964 hanggang 2006, at pinanatili niya ang "high standards of excellence" sa paaralan.

"Natutuwa ako kung ang aking mga estudyante ay nagpa-participate. Ang aking mithiin ay pukawin ang kanilang interest – isang bagay na napakalahaga kung ikaw ay nagtuturo. Ang research o pananaliksik ay nakakahalinang gawain lalo na, sa aking opinyon, ito ay maraming matutulungang tao gawa nga ng pagtuklas ng mga gamot sa iba't ibang klaseng kapansanan," pahayag ni Dr. Oliveros.

Para sa kaniya, ang pamilya ng ginger o luya ay nakakahalina dahil marami itong benepisyo. Isa na dito ang anti-bacterial property nito. Mayroon din daw itong katangiang anti-inflammatory. Tuloy na-formulate niya ang Zengiment ointment na may active ingredient na terpinem-4-ol. Ang formulation na ito ay nanalo sa Inventors, Innovator Week sa U.P. Manila.

Sa ngayon hindi pa ito commercially available at wala raw siyang plano na ibenta ang formulation para sa sakit sa balat. Tinanong ko siya kung bakit? Ang sagot niya: "Ito'y akin na lang ibinibigay na libre sa mga taong walang pambili ng gamot.

May natuklasan din siyang isang gamot na may pag-asang panlaban sa cancer: ito ay ang Millettia merrillii, isang halamang matatagpuan sa Palawan.  Kaya nga lang, nawalan daw ng momentum sa pag-aaral nang nawalan ng funding ang National Cancer Institute.

"May mga estudyante sa pharmaceutical field and ibig ipagpatuloy ang research sa gamot na ito gawa nang malaki nitong potential para sa malubhang sakit na cancer," ayon sa doktora.

Naka-formulate rin siya ng isang pulbos na galing naman sa dahon ng avocado na magaling na larvicidal para sa Aedes aegypti, ang lamok na nagdadala ng virus na nagiging sanhi ng dengue at yellow fever. Mayroon din siyang nakita sa Zerumbone (isang compound na galing sa ugat ng isang kapamilya ng luya) at ginawang active ingredient sa shampoo.  Mayroon itong anti-bacterial properties at commercially available na.

Nakadiskubre rin siya ng isang compound na galing sa Strongylophora, isang Philippine marine sponge, na may magaling na anti-cancer properties din.  Ayon sa doktora, "May malaking impact ito sa delivery ng healthcare, lalo na doon sa mahihirap."

Kagagaling lang niya sa Macau nitong Hulyo at naging isa sa mga plenary speakers ng 5th Association of Asian Schools of Pharmacy Dean Forum, na ginanap sa Macau University of Science and Technology.

Sa kanilang pamilya, hindi lang si Dr. Oliveros ang humanitarian. "It runs in the family," 'ika nga. Ang panganay na anak niya, si Lourdes Oliveros, ay dating Chief of Staff ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema,  at aktibo sa He Cares Foundation na tumutulong sa pagpapakain at pagkakaloob ng edukasyon ng mga batang kalsada.

Ang bunsong anak, si Milagros Oliveros, ay isang physician na madalas ang medical missions kasama ang mga madre. Kadalasan pera niya na ang ginagamit para pambili ng mga gamot sa mga nangangailangan. 

Ang pangalawa sa bunso naman, si Milette, isa din na physician sa Portland, Oregon, ay palagi din kasama sa mga medical mission at na-feature pa sa isang local morning TV show hinggil sa pagbibigay ng medical procedure nang walang bayad.

Ang kaniyang kapatid na si Luz Balbin-Spanks ay aktibo naman sa kaniyang Music Ministry at masigasig din sa pagpapalaganap ng sining sa La Habra Art Gallery, La Habra, California.

Ipinapakita sa atin ng aktres na si Audrey Hepburn, Dr. Mildred B. Oliveros, at iba pang mga humanitarian, na sa mundong ito na ating ginagalawan, nandoon na pagtulong natin sa ating sarili; at pagkatapos naman, tulungan din natin ang mga nangangailangan.

Kahit si Dalai Lama, nabanggit niya na kahit wala kang relihiyon, pero kung maawain ka naman sa kapuwa mo, husto na. Ito rin ang madiing itinuturo ng lahat na mga malalaking relihiyon sa mundo.-- FRJ, GMA News

Vics Magsaysay, Ph.D., is a Los Angeles-based writer, fine art nature photographer, painter, graphic designer, “makata” (Pilipino poet) and holds a doctorate degree in clinical hypnotherapy.