Hindi makontrol ni Aling Josephina ang panginginig ng buong bahagi ng kaniyang katawan nang dahil sa sakit na tumama sa kaniya, ang Parkinson's disease. Ano nga ba ang sakit na ito na mayroon din ang ilang sikat na personalidad.

Unang nakita ang nakaaawang sitwasyon ni Josephina kapag inaatake ng sakit sa video post sa social media. Natunton ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang kinaroroonan ni nanay Josephina, 55-anyos, sa kaniyang bayan sa Santa Catalina, Negros Oriental.

Napag-alaman na dating social worker si Josephina, at nagsimula raw lumitaw ang sintomas ng Parkinson's disease noong 2009.

Pero bago nito, na-stroke muna si Josephine noong 44-anyos, na naging dahilan para hindi niya maitupi ang kaniyang mga binti, tumabingi ang bibig at nahirapang lumakad.

Bagaman gumaling siya sa kaniyang stroke, nasundan na ito ng panginginig ng kaniyang katawan na nagsimula sa kanang kamay at sumunod na ang iba pang parte ng katawan.

Nang magpasuri siya sa doktor, doon na nalaman at natuklasan na mayroon siyang Parkinson's disease.

Ang Parkinson's disease ay isang sakit sa nervous system na sanhi ng pagkawala ng brain cells na lumilikha ng dopamine, isang kemikal na nagpapadala ng signal sa iba't ibang nerve cells kaya nawawalan ng kontrol sa galaw ng katawan ang taong nagkakaroon nito.

Ayon kay Dr. Michelli Mae Yusay, isang neurologist, iba ang sintomas ni nanay Josephina dahil ang kadalasang may Parkinson's Disease ay mahina ang paggalaw, mahina ang ekspresyon at tila robot.

Taliwas sa kaso ni nanay Josephina na matindi ang paggalaw ng katawan na maaaring sintomas daw ng Dyskinesia o pagiging hyperactive gawa ng reaksyon ng utak dahil sa pag-inom niya ng mga gamot sa loob ng ilang taon.

Kung minsan, nasasaktan ni Aling Josephina ang kaniyang mga mahal sa buhay na umaawat sa kaniya dahil sa hindi niya mapigilang panginginig, at madalas din siyang magkapasa kapag nahuhulog sa kama at nadadapa.

Higit sa mga gamot, ang pag-aaalaga ng mga mahal sa buhay ang nagpapakalma kay nanay Josephina. Panoorin ang buong laban niya sa naturang karamdaman at pagsasakripisyon din ng kaniyang mga mahal sa buhay sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Click here for more GMA Public Affairs videos

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News