Dating masigla at nagtatrabaho si Richard para makatulong sa kaniyang ina. Pero sa isang iglap, nagbago ang kanilang buhay dahil sa pambihirang karamdaman na dumapo kay Richard na dahilan para hindi na siya makakilos.  Sakabila ng nangyari, hindi nawala sa kaniyang tabi ang kaniyang mapagmahalan na ina. Panoorin ang kuwento ng kanilang buhay sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Sinasabing Stiff-Person Disease, isang pambihirang  neurological disorder ang tumama sa 25 -anyos na si Richard.

Ayon kay Dr. Arnold Pineda, sa Pilipinas, ikatlo pa lang si Richard na tinamaan ng naturang karamdaman.

Batay sa  National Institute of Neurological Disorders and Stroke,  ang may SPS karaniwang nakararanas ng “fluctuating muscle rigidity in the trunk and limbs. He also experienced heightened sensitivity to stimuli such as noise, touch, and emotional distress, which can set off muscle spasms.”

Ayon kay Richard, parang nadudurog ang kaniyang mga buto sa sakit na kaniyang nararamdaman. Hindi na siya nakalalakad at hindi niya naibubukas ang kaniyang mga kamay.

Kaya naman pinapaliguan na siya at sinusubuan na rin kapag kumakain.

“Ang mga kamay ko parang naninigas, masakit na masakit. ‘Yung katawan ko, parang binabarena, parang tinatali. May tumutusok, mas masakit pa sa pilay,” saad niya.

Aminado si Richard na minsan ay naiisip na niyang sumuko pero dahil sa pagmamahal ng kaniyang ina, hindi raw siya bibitiw at patuloy siyang lalaban sa kaniyang karamdaman.— FRJ, GMA News