Naging laman ng talakayan nitong nakaraang mga araw ang "Five-Minute Rule" na ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa illegal parking. Ito ay nang maging viral sa social media ang pakikipagtalo ng isang babaeng motorista sa mga enforcer na nais hatakin ang kaniyang sasakyan. Alamin kung papaano umiiral ang kontrobersiyal na patakaran na ito.

Sa ulat ng GMA "News To Go" nitong Huwebes, sinabing base sa paliwanag ni MMDA Task Force Special Operations Commander Bong Nebrija, may dalawang klase ng ilegal na pagparada ang sasakyan: Ang may driver at walang driver.

Kapag walang driver ang sasakyan na ilegal na nakaparada, doon papasok ang 5-minute rule.

Bubusina umano ang MMDA at ipapatawag ang tsuper o may-ari ng sasakyan. Sa loob ng limang minuto, dapat magpakita ang tsuper o driver ng sasakyan para maisaayos ang pagparada nito o maialis.

Kapag lumagpas ng limang minuto at wala pa rin ang driver, hahatakin na ang sasakyan at titiketan ang driver kalaunan.

Kung dumating naman ang driver sa loob ng limang minuto, hindi na hahatakin ang sasakyan pero titiketan pa rin siya.

Kapag nasa loob naman ng sasakyan ang driver, titiketan pa rin siya at ipaaayos ang parada o paalisin.

Ang iligal na pagparada ay paglabag umano sa batas-trapiko kaya dapat tiketan ang driver at dapat niyang ipakita ang kaniyang lisensiya.

Sa nakaraang mga panayam, sinabing kailangan makita ang lisensiya ng driver dahil maliban sa ipapangalan sa kaniya ang tiket, nais matiyak ng MMDA na may lisensiya ang driver.-- FRJ, GMA News