Naging masalimuot ang kuwento ng buhay at pag-ibig ng transgender na si Jerald, na matapos tumibok ang puso para sa isang tunay na babae, nabuntis naman niya ang kaibigan niyang lesbian.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jerald na napilitan siyang itago ang kaniyang tunay na pagkatao sa kaniyang pamilya dahil hindi tanggap ng mga kapatid niyang lalaki at kaniyang ama ang magkaroon ng bading sa pamilya.

Tanging ang ina lang niya ang nakakaalam sa kaniyang pagiging bading at pagtatago sa pangalang Maricar at Jeraldine kapag sumasali sa mga gay beauty contest.

Pero nang minsan nakasuot siya ng damit na pambabae sa sinalihang paligsahan, naisayaw siya ng isa niyang kuya at doon na nabisto sa kaniyang lihim.

Dahil na rin sa naranasang pananakit, nagpasya siyang lumayo at mahusay na mag-isa kung saan naging malaya siyang magawa ang gusto sa sarili bilang isang transgender.

Hanggang sa dumating ang araw na tumibok ang kaniyang puso sa isang tunay na babae, at naging komplikado dahil nabuntis din niya ang isang kaibigang lesbian.

Matanggap pa rin kaya siya ng babaeng minamahal niya at tuluyan na kaya niyang talikuran ang kaniyang pagiging transgender? Tanggapin pa rin kaya siya ng kaniyang pamilya? Panoorin ang kakaibang kuwento ng buhay ni Jerald, o Jeraldine, o Maricar sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."


Click here for more GMA Public Affairs videos:


--FRJ, GMA News