Pakiramdam ng isang babae, hindi siya nag-iisa kapag madaling araw sa paggawa ng tinapay dahil nararamdaman niyang may anino umanong sumusunod at nagbabantay sa kaniya.

Para umano makuha ang kaniyang atensiyon, ginalaw pa umano nito ang extension cord, na nahagip sa camera.

Sa kuwentong Kakabakaba ng Dapat Alam Mo!, malimit daw inaabot ng madaling araw si Sarah Lyka Olivar sa paggawa ng tinapay.

Magsisimula siya ng 11 p.m., at matatapos ng 4 a.m. o 5 a.m.

Pero isang madaling araw, hindi naging kumportable si Olivar sa kaniyang paligid.

"Alam ko may shadow sa likod ko na dumaan papunta sa CR. Nag-decide na ako na i-camera. Sabi ko, akala ko may nagkikipaglaro sa likod ko. May lumalamig na part sa paa ko, may lumalamig na part sa leeg ko," sabi niya.

Hanggang sa nasundan pa ng hindi inaasahang paggalaw ng extension cord ang mabigat niyang pakiramdam.

"Biglang may napansin ako doon sa gilid na, 'Ay may gumagalaw.' Tapos hindi ko na pinansin ulit. Biglang pagtingin ko ulit, gumagalaw," kuwento ni Olivar.

"'Pag na-experience talaga 'yun, hindi niyo masabi kasi noong nakita ko talaga 'yun, wala eh. Hindi ko naman masasabing malabo ang mata ko kasi may ilaw. Kaya sabi ko, may humahawak, kaya kinabahan ako. Sabi ko, hindi 'to joke, hindi 'to prank," dagdag niya.

Kuwento pa ni Olivar, mabubuo na lang minsan ang anino tapos biglang mawawala na parang usok.

Bukod kay Olivar, nakakakita rin umano ang kaniyang ina.

"May moment ang mama ko na natutulog daw ako. Sinabi niya na may nakaupong lalaki sa paahan," anang dalaga.

Habang kinakapanayam ng Dapat Alam Mo!, natigilan din si Olivar nang sumakit ang kaniyang ulo at tila nahihilo.

Dahil dito, kinonsulta niya ang paranormal researcher na si Ed Caluwag at ipinatingin ang video kung saan kusang gumalaw umano ang kanilang extension cord.

Paliwanag ni Ed, posibleng poltergeist, entity o elementals na kayang magpagalaw ang nakunan sa video.

"Titignan natin yung both sides, both scientific and paranormal. Napansin ko, medyo crumpled yung wire. Ang wire kasi, elastic 'yan eh. During the time, nag-expand siya kaya parang gumalaw. Pero kapag meron nang movement na pini-pick up na hindi nakikita, that means may ibang force na roon, kasi hindi naman kusang tatayo ang wire," sabi ni Ed.

Binisita ni Ed ang bahay nina Olivar, at sinuri ang lugar kung saan kusang gumalaw umano ang extension cord.

"Dalawa kasi 'yung duda ko. Puwede itong bahay mismo ang mayroong existing entities, or si ma'am mismo ‘yung sinusundan," ani Ed.

Ayon sa ulat, gumamit si Ed ng REM pod o psychic device para matukoy kung may aninong dumaan sa paligid, at sinubukang tawagin ang aninong sumunod umano kay Olivar.

Dito na nagsimulang mag-init ang likod ni Olivar, na normal na karanasan kung nakikipag-usap sa mga espiritu, ani Ed.

Gumamit din ng ghost box si Ed para posibleng umanong marinig ang sagot ng mga hindi nakikitang nilalang.

Nakausap ni Ed ang isa umanong batang lalaki, at tinanong kung ito ang humila ng wire habang nagluluto si Olivar.

"Opo," tugon ng espiritu umano. Tinawag din daw nito na "Ate" si Olivar.

Hinala ni Olivar, posibleng ito umano ang yumao niyang nakababatang kapatid.

"Malamang gusto ka lang niyang laging bantayan," paliwanag ni Ed.

Ayon naman kay Olivar, siya na lamang ang nakakaalala sa yumao.

"Nakaka-attract ka. Magnet ka para sa mga ibang entities," sabi ni Ed kay Olivar.

"Dahil si ate ay open siya, I mean mataas 'yung level ng sixth sense niya, nakaka-attract siya ng entities. Kaya hindi imposible na mayroong mga gano’ng incident sa kaniya. 'Yung hila na pataas, puwede kong i-consider 'yun as paranormal dahil baliktad 'yung pull, pataas instead na pababa," sabi ni Ed.

"Huwag pa rin natin itong katakutan at unawain pa rin natin. Intindihin natin na may mga bagay talagang nangyayari na hindi lang natin kaya ipaliwanag nang biglaan," payo niya. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News