Nag-viral sa social media ang video ng isang bride na tila "malungkot" sa seremonya ng kanilang kasal. Nakasaad sa video na ipakasal daw ang babae sa groom bilang parusa ng kaniyang ama at kanilang tribo sa Bukidnon. Ang mag-asawa, nagsalita na at inihayag kung ano ang totoo.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ipinakita ang nag-viral na video na may nakasaad na ipinakasal umano ang bride na teenager, bilang parusa dahil nagkagusto ito sa isang banyaga, na labag sa kanilang kultura.

Sabi pa sa video, "ibinenta" umano ng ama ang kaniyang anak na babae at ipinakasal sa lalaking halos doble sa kaniyang edad.

Dahil sa mga nakasaad sa viral video, maraming netizens na bumatikos sa pamilya ng babae.

Hanggang sa nakatanggap ng mensahe ang KMJS mula sa kapatid umano ng babae, at sinabing bagaman totoo ang naturang kasal, hindi naman totoo ang mga nakasaad na kuwento sa viral video.

Natunton sa Barangay Songco sa Lantapan ang bride at groom na sina Romelia Generalao at Reyje Balansag, na mga bahagi ng tribong Talaandig.

Ayon kina Romelia at Reyje, ang kasal nila ay alinsunod sa kanilang tradisyunal na ritwal na Kaamulan-Asawahay.

Nang mag-viral ang video, naging laman na sila ng usap-usapan sa kanilang lugar.

“Nahiya na nga po akong lumabas sa bahay kasi nga ‘yung mga kapitbahay namin laging nag-uusap, patanong nang patanong kung totoo ba ‘yun o hindi. Nalungkot nang sobra kasi nga judgmental ‘yung mga tao,” sabi ni Romelia.

“Kung anu-ano na lang ang lumabas sa bibig nila. Hindi nila alam na napakasakit po sa amin dahil kami ‘yung nakikita roon,” ayon naman kay Rejye.

Naging ugat na rin ito ng pagtatalo ng mag-asawa, dahil hindi na rin maiwasan ni Reyje na magduda kung napilitan lang magpakasal sa kaniya si Romelia.

“Nagalit din po siya sa akin kasi nako-convince siya sa video na hindi totoo ‘yung marriage namin, nagpa-plastik plastikan lang ako, nakasimangot daw,” sabi ni Romelia.

“Naniwala na talaga ako. ‘Yung mukha niya mukha talagang napilitan. Naisip ko na ‘Siguro maghiwalay na lang tayo,’” sabi ni Reyje.

Ngunit ayon sa mag-asawa, 2019 pa ang video, na siya ring taon kung kailan sila ikinasal. Mayroon na rin silang anak ngayon na apat na taong gulang.

Tanggap din ng kanilang tribo na kasal si Reyje sa una nitong asawa bago pa ikasal kay Romelia.

Sinabi pa ni Romelia, hindi totoo na halos doble ang edad ni Rejye sa kaniya, kundi 10 taon lamang ang kanilang age gap.

Higit sa lahat, hindi totoo na nakatanggap si Romelia ng parusa mula sa kaniyang ama.

“Bata pa lang siya, inaalaga na namin ‘yan kasi mahal namin. Tapos paglaki niya, ‘di namin makakaya na ibenta siya,” sabi ni Jesus Generalao, ama ni Romelia.

Pinabulaanan din ni Romelia na umibig siya sa isang foreigner, at wala siyang nagawang kasalanan sa kanilang tribo.

Ayon din sa chieftain ng Talaandig tribe na si Datu Migketay Victorino Saway, matagal nang panahon ang pagbabawal nila sa pag-aasawa sa labas, ngunit hindi na nila ito ipinatutupad ngayon. Katunayan, “mixed community” na ang kanilang tribo.

Isang taon ding naging magkasintahan sina Romelia at Reyje, at nanligaw pa ang lalaki sa dalaga, ayon pa kay Jesus.

Tungkol naman sa kaniyang pagsimangot sa araw ng kanilang kasal, ipinaliwanag ni Romelia na inatake noon ng highblood ang kaniyang ina kaya siya nag-alala.

Bawal din ang ngumiti at dapat naka-“focus” lang sa rituwal ng kanilang seremonya.

Ayon pa sa pamilya ni Romelia, hindi totoong suhol ang perang nakunan sa video, kundi offering na bahagi ng kanilang kultura.

Hindi rin ama ni Romelia ang lalaking “nagbenta” umano sa kaniya kay Reyje, kundi ninong lang, taliwas sa ipinakita sa viral video.

Ang solemnizing officer naman na si Datu Maampayun Felipe Saway, na siyang nagkasal kina Romelia at Reyje, sinabing wala pa siyang ikinakasal na pinilit lamang.

“Sana po makonsensiya siya at i-delete niya ang mga video na ‘yun at sana ma-detect na rin po kung sino po siya, kasi nga po nakakahiya ‘yung ginawa niya po,” pakiusap ni Romelia.

Pero sino kaya ang nagpakalat ng video ng kasal nina Romelia at Reyje, at nilagyan pa imbentong kuwento at mga maling impormasyon? Alamin ang detalye sa video, pati na ang kasong puwedeng kaharapin ng magpapakalat ng mga maling impormasyon na nagdudulot ng pagkabahala sa mga apektadong tao. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News