Isang tricycle ang nahuli-cam sa Alaminos, Pangasinan na umaarangkada sa kalsada pero walang nakikitang rider o driver.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing nagulat at natakot ang kumukuha ng video na nakabuntot sa tricycle nang wala itong makitang nagpapatakbo sa sinusundan niyang sasakyan.

Lalo pa raw itong kinabahan nang may makita siyang paparating na trak na makakasalubong ng tricycle.

Pero maya-maya lang, may sumulpot na tao mula sa sidecar ng tricycle na siya palang nagmamaniobra sa sasakyan.

Paalala sa ulat, huwag itong gagayahin dahil takaw-disgrasya ang ginawa ng nagtagong driver ng tricycle. --FRJ, GMA News