Gumiling-giling, umikut-ikot at nag-pop lock pa ang isang dancing security guard na kumasa sa #BBoomBBoom Dance Challenge sa isang mall sa Bicutan, Parañaque, at nakapagbigay ng good vibes sa mga mamimili.

Sa ulat ni Luane Dy sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing bata o matanda, lahat ay kumakasa sa naturang viral K-Pop dance challenge kaya hindi rin nagpahuli ang security guard na ito.

Aliw na aliw naman ang mga mamimili habang pinapanood ang paghataw ng sekyu, at mga pumalakpak nang matapos ito sa pagsasayaw.

Mahigit 900,000 views na sa Facebook ang nakuha ng video.

Dancing barbecue vendor

Sa Koronadal City, South Cotabato naman, may bagong paandar sa mga netizen ang viral dancing barbecue vendor na si Ogis Divinagracia.

Naglilinis noon ng kuwarto si Divinagracia ngunit nilagyan niya ito ng twist.

Humataw siya habang naglilinis sa tugtog ng pinakabagong dance craze na "Dura" ng Puerto Rican Rapper na si Daddy Yankee.

May hawak pa siyang walis tambo at nakasuot pa ng shades habang performance level siya sa paghataw habang kumekendeng-kendeng pa.

Ayon kay Divinagracia, nabagot siya habang naglilinis kaya naisipan niyang sumayaw na lang. — Jamil Santos/MDM, GMA News