Tatlong bilanggo ng Talisay City Jail  sa Cebu ang nasawi matapos na tambangan ang kanilang sinasakyan ng mga salaring nakamotorsiklo. Ang mga kasama nilang escort mula sa Bureau of Jail Management and Penology, nakaligtas.



Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang pananambang sa mga biktimang sina Yayam Gaviola, Marwin Abelgas at Rabadon Jovencio,  dakong 9:00 a.m.

Tinatayang 300 metro pa lang umano ang nailalayo ng mga biktima at kasama nilang mga tauhan ng BJMP mula sa pinanggalingan nilang Talisay City Jail nang mangyari ang pamamaril.

Isinugod sa ospital ang mga bilanggo pero binawian din ng buhay.

Sa hiwalay na panayam ng "QRT" kay Police Supirentend Virgilio Bayon-on, PIO, Cebu Provincial Police, sinabi nito na batay sa nakalap nilang impormasyon, may dalawang nakamotosiklo na nagkunwaring nag-aaway ang humarang sa dadaanan ng sasakyan ng BJMP.

Nang tumigil ang sinasakyan ng mga biktima, isang motosiklo pa ang dumating na sakay ang iba pang salarin at binaril ang mga bilanggo.

Idinagdag ni Bayon-on, na lumilitaw na isa umano sa mga nasawing bilanggo ang sangkot sa kasong iligal na droga.

Pero patuloy pa umano ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen at mga taong nasa likod ng pamamaril. -- FRJ, GMA News