Nagpasalamat si Miss International 2013 Bea Rose Santiago sa mga nagpaabot ng mensahe para sa kanilang paggaling at mga nag-alala matapos niyang ibahagi ang pagkakatuklas na mayroon siyang chronic kidney disease (CKD).

Sa kaniyang Instagram stories, nag-post ng mensahe si Bea na nagsasabing "Thanks everyone" na may kasamang hugis-puso.

Sinabi rin niya na maayos naman ang kaniyang pakiramdam pero estrikto na siya ngayon sa kaniyang mga kinakain.

"I am doing well, still kicking! On a very strict diet. My legs and face tho! Ahaha. Its so fat I look like Im pregnant," saad niya sa post na may kasamang masayang emoji.

Sinamahan din ito ni Bea ng #POSITIVEVIBESONLY.

Una rito, ibinahagi ni Bea na bata pa lang siya ay nagkaroon na ng problema ang kaniyang mga bato.

"Yes, I'm sick. Since I damaged my kidneys when I was younger. My kidneys are more sensitive than a normal late 20s healthy woman. I can't over do things and I just found out,” saad ni Bea sa nauna niyang IG post.

Kasunod nito ay pinaalalahanan niya ang mga regular na nagwo-workout na kumonsulta muna sa doktor  kapag nagpalit ng kanilang diet at pre-workout supplements.

“Guys if you take pre-workout and et al plus heavy workout be careful! Apparently there are many more like me! We damaged our kidneys because of our gym life,” saad niya.

“Before you do or change your diet or drink something make sure you don't have bad health history problems! Always ask your doctors," dagdag pa ni Bea. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News