Nagmistulang umabot sa loob ng tren ng MRT ang sama ng panahon dahil sa malakas na tulo ng tubig sa loob ng bagon na dahilan para magpayong ang mga pasahero.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, ipinakita ang video na kuha sa loob ng tren habang nakapayong ang mga pasahero dahil may tumutulong tubig mula sa bubungan ng sasakyan.

Nangyari umano ang insidente nitong Martes sa northbound train sa bahagi ng Boni at Shaw Boulevard stations.

Ayon sa uploader ng video, katatapos lang umulan noon pero nagpatuloy ang buhos ng tubig sa loob ng tren.

Mabuti na lang umano na hindi rush hour nang mangyari ang insidente at kaunti lang ang pasahero kaya nakaiwas sa buhos ng tubig ang ibang pasahero.

Wala pa umanong paliwanag ang pamunuan ng MRT tungkol sa naturang insidente.

Noong September 2015, nagpayong din ang mga pasahero sa loob ng tren dahil sa tumutulong tubig mula sa airconditioning system ng bagon.-- FRJ, GMA News