Hindi naiwasan na muling matanong ang Kapuso at "Wowowin" host na si Willie Revillame kung papasukin na ba niya ang politika matapos lumabas sa social media ang ilang larawan at video habang kausap niya si Davao City Mayor Sara Duterte, na pinuno ng bagong regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP).

 

 

Tungkol sa naturang pag-uusap nila ni Mayor Sara, sinabi ni Willie na nangyari ang kanilang pulong bago ganapin ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 23.

READ: 'Wowowin,' patuloy na mapapanood sa Kapuso Network

"Okay naman. Actually bago mag-SONA 'yun eh, it's eight in the morning. So humingi siya [Mayor Sara] ng meeting, tinanong lang naman niya ako at sabi niya, 'Ano, national ka ba o local?,'" kuwento ni Kuya Wil sa mga GMA reporter matapos pumirma sa GMA Network ng kontrata para sa co-production ng "Wowowin" nitong Miyerkoles.

Ayon sa "Wowowin host," sinabi niya sa alkalde na wala pa siyang desisyon kung papasukin ba niya ang politika.

"Sabi ko lang, wala pa akong desisyon. Pinag-iisipan ko, pinag-aaralan kong mabuti. This is really a big decision in my life. Okay naman ako sa ginagawa ko. Siyempre, alam mo, mahirap ang politika kung hindi mo talaga linya," paliwanag niya.

Ikinumpara rin ni kuya Wil ang buhay niya na nagpapasaya sa "Wowowin," at ang buhay niya sakali mang pasukin ang politika.

"Ito namang ginagawa ko ngayon, maayos naman. Saka dito, walang power-tripping dito eh, walang ego trip. It's more of talagang pagmamahal mo sa kapwa mo. Mahirap, nakakalungkot, 'di ba 'pag napapanood mo 'yung nangyayari sa atin, nag-aaway-away, 'di ba? Paano mo papasukin 'yung isang bagay na nakikita mo eh magulo 'di ba?," patungkol niya sa mundo ng politika.

Sa ngayon, natutuwa si Kuya Wil na naaabot niya ang mga Pilipino at kahit papaano ay nakatutulong sa sarili niyang paraan.

"Dito sa 'Wowowin' studio walang nag-aaway-away eh. Walang nag-e-ego-ego. It's more of love. Tsaka 'yung pagmamahal mo sa kapwa especially the lolas, the nanays, pamilya, even 'yung mga bata na eh. Ito, capture mo dito buong pamilya. Bawat Pilipino," pahayag pa niya.

Patuloy niya, "Ganu'n talaga eh, kailangan intindihin mo 'yung mga kababayan nating mahihirap. Kailangan nilang kumain, kailangan sa tamang lugar talaga."

Dati na ring lumabas ang mga espekulasyon na posibleng pasukin ni Willie ang politika dahil na rin sa mga pagtulong niya at pagiging malapit sa masa. -- FRJ, GMA News