Kinagiliwan sa social media ang isang wedding proposal hindi lang dahil sa gimik na aarestuhin ang lalaki, kung hindi dahil din sa maling spelling o salita na nailagay sa sulat na ipinabasa sa babae.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, ipinakita ang video habang inaaresto ng mga taga-barangay ang nobyong si Julio Vinluan dahil daw nagawang kasalanan.

Hindi naman basta-basta pumayag si Nanette Oba na makuha ang kaniyang nobyo na kaniyang hinahawakan.

Dito na may iniabot na papel kay Nanette na kunwaring arrest warrant.

Pero nang buksan niya, nakasulat ang mga salitang "Will You Merry Me," sa halip na "marry."

Pero kahit mali ang salita o spelling ang naisulat ni Vinluan, naintidihan naman ito ni Oba at matamis na "yes" ang kaniyang ibinigay sa nobyo.

Paliwanag ng lalaki, sa pagod sa paghahanda sa kanilang anniversary,  hindi na niya namalayang mali ang kaniyang spelling.

Nangyari ang nakakikilig na eksena habang naghahanda sila para sa kanilang anniversary bilang magkasintahan.-- FRJ, GMA News