Isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia ang nag-amok umano at napatay ng mga security personnel ng pinapasukan niyang kompanya. Pero bago mapatay ang OFW, dalawang katrabaho umano nito ang kaniyang napatay.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ng Philippine Consulate General sa Jeddah, na natanggal umano sa trabaho ang Pinoy kaya nagalit at nagwala.

Napatay umano ng OFW sa saksak ang nakaalitang katrabaho na isang Pakistani, at ang kanilang manager na umawat sa kanila na isang Saudi national.

Rumesponde naman sa gulo ang security forces ng kumpanya at napatay nila ang OFW na nag-amok umano.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente habang nakikipag-ugnayan naman ang konsulado sa mga kaanak ng nasawing OFW dito sa Pilipinas. -- FRJ, GMA News