Inihayag ng Department of Labor and Employment (DPLE) na hindi muna magpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Libya.

Sa ulat ng GMA "News TV Live" nitong Huwebes, sinabing ang total deployment ban ay itutupad ng DOLE matapos na itaas ng Department of Foreign Affairs sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa nabanggit na bansa.

Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, awtomatikong ipinatutupad ang deployment ban sa isang bansa kapag isinailalim ng DFA ang sitwasyon sa alert level 3.

Itinaas ng DFA sa alert level sa Libya dahil sa nangyayaring kaguluhan doon at mga insidente ng pagdukot sa mga Pinoy.

Noong nakaraang Agosto, kabilang ang tatlong Pinoy sa mga dayuhang manggagawa na dinukot ng mga armadong lalaki sa Libya.

Samantala, inalis naman ng DOLE ang deployment ban na ipinatupad kamakailan sa Micronesia.

Ipinatupad dati ang deployment ban sa naturang lugar nang magreklamo ang ilang Pinoy nurse na hindi sila pinapasod.

Patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon ng DOLE sa naturang reklamo.-- FRJ, GMA News