Naipit ang isang lalaking pasahero ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 matapos magloko ang pinto ng isa sa mga bagon nito.

Sa video ni Roy Vincent Daños na ipinalabas sa ulat ni Mav Gonzales sa 24 Oras nitong Huwebes, makikitang huminto ang tren sa Roosevelt Station subalit mapapansing hindi bumukas ang pinto nito kaya agad na pumunta na lamang sa ibang labasan ang mga pasahero.

Ang lalaking naipit, pilit na binuksan ang pinto kahit na maliit lamang ang uwang nito. Sa unang subok, kalahati lamang ng katawan niya ang lumusot dahil biglang sumara ang pinto ng tren.

Buti na lamang, bumukas ulit ang pinto kaya't nakalabas pa ang pasahero.

Ayon kay Daños, simula nang sumakay siya sa Tayuman Station, nagloloko na talaga ang nasabing pinto ng tren.

Kinunan niya raw ang video upang maipaabot ang problema sa mga kinauukulan ng LRT Line 1.

Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng LRT Line 1 sa nasabing aberya. Paliwanag nila, dahilan daw ng pagkakasira ng pinto ng LRT ay ang pagsandal ng mga pasahero at pilit na pagbubukas dito.

"Pinipilit niyang buksan, ang ginawa niya pinuwersa niya para mabuksan... para makalabas siya. Pag pinupuwersa mo siya, babalik siya kaya may tendency na maipit siya," sabi ni Engineer Celso Villavicencio.

"Kaya nga sinasabi ko kontrolado kasi siya ng mga switch at mechanical parts. Ang pagsandal natin, napupuwersa to. Marami tayong turnilyo diyan kung saan lumuluwag siya," dagdag ni Villavicencio.

Paalala nila, huwag nang pilitin pang buksan ang pinto ng tren lalo na't kung ito ay may depekto. Agad din daw itong ireport sa mga guwardiya.

Nakatakda namang magsagawa ng full mechanical check ng mga pinto ng tren ang pamunuan ng LRT Line 1. —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News