Sa tagal nang hindi pagkikita at nagpa-makeover pa, hindi nakilala ng ina ang kaniyang anak na OFW na sorpresang umuwi ng bansa.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang video nang muling pagkikita ng OFW na si Mahyet, na caregiver sa Riyadh, Saudi Arabia, at kaniyang ina sa Caloocan.

Sa video na kinagiliwan din ng mga netizen, si Mahyet mismo ang kumatok sa gate ng bahay nila at kunwaring hinanap ang kaniyang sarili.

Ang kaniyang ina naman ang nagbukas ng gate at sumagot na wala at hindi niya alam kung kailan uuwi ang anak na ilan taon na niyang hindi nakikita.

Kahit magkaharap na, wala pa ring kamalay-malay ang ina na ang anak na niya ang kaniyang kausap.

Maya-maya lang, nagsimula nang umiyak ang ina kaya niyakap na siya ni Mahyet.

Ayon kay Mahyet, hindi talaga niya ipinaalam sa kaniyang ina at mga anak na uuwi siya para magbakasyon.

Para makumpleto ang sorpresa, nagpa-makeover pa siya kaya hindi na siya nakilala.

Sa kabila nito, labis ang tuwa ng kaniyang pamilya sa kaniyang pag-uwi at dito niya ipagdiriwang ang Pasko at Bagong Taon.-- FRJ, GMA News