Gamit ang sarili niyang dugo, pinaniniwalaang naisulat pa ng isang babae na pinatay sa saksak ang taong pumaslang sa kaniya bago siya nalagutan ng hininga sa Villasis, Pangasinan.


 

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation" nitong Lunes, duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang biktimang si Remedios Maer sa loob ng kaniyang bahay.

Ayon sa anak ng biktima, nagtaka siya nang hindi niya makontak ang ina nang buong araw kaya nakiusap siya sa mga kaibigan na puntahan ang bahay kaya nadiskubre ang bangkay ng biktima.

Wala raw kasama sa bahay ang biktima nang mangyari ang krimen.

Nagtamo si Maer ng 17 saksak sa katawan at sa tabi ng bangkay nito ay may sulat-dugo na "Keyung."

Sa imbestigasyon ng pulisya,lumitaw na alyas ng dating kontraktor ng biktima si "Keyung" na nakaalitan umano nito noon.

Alam na ng pulisya ang tunay na pangalan ng suspek na nagtatago na umano.

"Ito mabigat na 'yung ebidensya na ito, 'yung pagkakasulat ng kaniyang pangalan. Tapos nag-gather pa kami ng other evidence, nalaman namin na may alitan na rin itong dalawang ito at pinagbantaan pa ng suspek 'yung biktima," sabi ni Police Chief Inspector Fernando Fernandez, hepe ng Villasis Police.

Napag-alamang nawawala rin ang dalawang bag at pera ng biktima.

Tinutugis na ng mga pulis ang suspek sa krimen.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News