Iginiit ng isang kongresista ng Pampanga na hindi niya anak ang nakita sa viral video na nasa isang SUV na may plakang 8 at nananakit ng isang motorista sa Angeles City. Ang plakang 8, ginagamit sa mga sasakyan ng mga kongresista.

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni Pampanga 1st District Representative Carmelo "Jon" Lazatin II, na ang plakang 8 na nakita sa FJ Cruiser ay inilabas umano noong 16th Congress, na hindi raw siya naging bahagi.

"Dahil newly-elected ako [ngayon], wala pang na-issue na plaka ang 17th Congress. Kung makikita niyo sa video, ang plakang ginamit ay 16th Congress. Hindi pa ako representante nun," paliwanag niya.

"Makikita natin na walang kinalaman sa akin yung viral video na lumabas," dagdag niya.

Sa nag-viral na video, makikita ang isang lalaki na sinuntok ang driver na nasa loob ng isang nakatigil na kotseng pula.

Nasa harapan naman ng kotse ang SUV ng lalaking nanuntok na may plakang 8.

Bukod sa naturang insidente, mayroon pang hiwalay na viral na video na nangyari naman sa Quezon City na sangkot din ang isang FJ Cruiser na may plaka ring 8, na katulad ng nasangkot sa Angeles City.

READ: Sasakyang may plakang '8' na pang-kongresista, nanggitgit at nanghabol daw ng motorista

Sabi ni Lazatin, naging kongresista rin ang kaniyang ama pero noong 15th Congress.

Hinihinala ni Lazatin na idinadawit lang ang kaniyang pangalan sa insidente.

"Tingin ko dahil nangyari ito sa primero distrito, yung iba parang gumagamit ng isang opisyales para makatakas sa ginawa niyang hindi maganda sa isang kababayan namin. Baka isang paraan yun para maabswelto sa ginawa nila," paliwanag niya.

Nais din umano niyang malaman kung sino ang lalaki sa naturang video na nanakit ng motorista.

"Gusto kong malaman kung sino ang gumagamit ng FJ Cruiser na yun. Actually may mga viral video, nakita ko na prior sa nangyari na ito, meron nang nailabas na video noong 2017 na same FJ Cruiser, naka-plakang otso," saad niya.

Dagdag ng mambabatas, "Gusto natin malaman talaga kung sino ang may kakagawan nito." — FRJ, GMA News