Nadakip na ang lalaki na umano'y nasa nag-viral na video na nakitang nanuntok ng isang motorista sa Angeles City, Pampanga. Hinihinalang siya rin ang driver ng SUV na may plakang 8 na nakunan din ng video na nanggitgit ng isang motorista sa Quezon City.

Ayon sa mga awtoridad, nadakip si Jojo Valerio ng mga operatiba ng Police Regional Office 3 at Criminal Investigation and Detection Group sa isang bar sa Tarlac City nitong Martes ng gabi.

Miyembro umano ng banda si Valerio, na itinanggi na may kaugnayan siya sa angkan ng mga Lazatin sa Pampanga.

READ: Kongresista ng Pampanga, iginiit na 'di niya anak ang nasa viral road rage video

Una nang itinanggi ni Rep. Carmelo Lazatin II, na kakilala niya ang lalaki sa video na nakunan na video na nanuntok ng isang motorista.

Hindi naman binanggit ni Valerio kung saan niya nakuha ang plakang 8 na gamit sa mga sasakyan ng mga kongresista.

READ: Sasakyang may plakang '8' na pang-kongresista, nanggitgit at nanghabol daw ng motorista

Ayon sa mga awtoridad, nakakuha sila ng impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ni Valerio na miyembro ng banda kaya natunton nila kung saan ito magpupunta.

Nang masakote si Valerion, isang Starex van ang kaniyang gamit at hindi pa alam kung nasaan ang FJ Cruiser na may plakang 8.— FRJ, GMA News