Nag-viral ang video ng pakikipagtalo ng isang transgender woman sa lalaking may-ari ng tinutuluyan niyang hostel matapos niyang gamitin ang CR ng mga babae sa Legazpi City.

Sa ulat ni Cris Novelo ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa Saksi nitong Martes, mapapanood ang video ng sagutan nina Jules Balais at ang may-ari ng hostel.

Kalaunan, umawat ang asawa ng may-ari at pinatitigil siya sa pagkuha ng video.

Dahil dito, paiigtingin pa ng Albay provincial government ang implementasyon ng kanilang ordinansa laban sa diskriminasyon sa sexual orientation, gender identity, and gender expression o SOGIE.

Ayon sa anti-SOGIE discrimination ordinance ng Albay na inaprubahan noong 2021, itinuturing na diskriminasyon ang pagbabawal o paglilimita sa paggamit ng public accommodation tulad ng banyo base sa SOGIE ng isang tao.

Sinabi ni Albay Governor Grex Lagman, na may-akda ng anti-SOGIE discrimination ordinance, na makikipagtulungan din sila sa pulisya hinggil sa mas mahigpit pang implementasyon nito.

Handang makipag-areglo si Balais, at nais niyang palawakin pa ang pang-unawa ng publiko tungkol sa kanilang karapatan.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia na kunin ang pahayag ng may-ari ng hostel. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News