Isang pambihirang uri ng pating na mas kilala sa tawag na "megamouth shark" ang napadpad sa baybayin ng Bayawan sa lalawigan ng Negros Oriental umaga nitong araw ng Linggo. 

Nakita ng mga residenteng naglalakad sa baybayin ang pating, na agad namang pinagkaguluhan dahil sa hitsura nito.

Photo courtesy by Jayrell Mark Sinco


Ipinaalam ng mga residente sa mga kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources  at sa local government ang patay na megamouth shark at agad naman itong pinuntahan ng mga awtoridad.

Aabot sa 12 talampakan ang haba ng pating at tinatayang may bigat na mahigit 300 kilo. Nailibing na ang pating nitong araw din.

Ito raw ang unang pagkakataon na may mapadpad na ganitong uri ng pating sa lugar.

Ang megamouth shark ay isa sa mga uri ng pating na bihirang makita ng mga tao.

Nabubuhay ito ng hanggang 100 taon kung hindi huhulihin. Pambihira ang megamouth shark dahil lumalangoy ito na laging naka bukas ang malaking bibig upang manghuli ng kanyang pagkain. Wala ring ngipin ang megamouth shark. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News