Isang kolektor ng money transfer company ang nagsumbong sa pulisya ng  Laguna na nabiktima siya ng holdap ng riding-in-tandem at natangay ang koleksyon niyang P175,000. Pero nang suriin ng mga pulisya ng CCTV sa lugar, iba ang kanilang natuklasan.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing unang nakatanggap ng sumbong ang pulisya noong Linggo ng hapon tungkol sa umano'y insidente ng holdapan sa Barangay Dambo sa nabanggit na munisipalidad.

Pero nang suriin ng mga awtoridad ang CCTV sa lugar, nakita nila ang nag-report ng holdapan na si Louie Urbano na nakaangkas sa isang motorsiklo.

Bumaba siya ng motorsilo at nagpunta sa isang waiting shed at saka nagpunta sa Mabitac police kung saan niya unang ini-report ang umano'y holdapan.

Makaraang ang isang oras, bumalik si Urbano sa waiting shed at ang kasamahang nakamotorsiklo at saka umalis.

Dito na naghinala ang mga pulis na gawa-gawa lang ni Urbano ang kaniyang inireport na naholdap siya at nakuha ang kaniyang pera.

"Nang mga oras na mangyari ang holdap ay magkasama silang dalawa. Pero 'yung statement niya, sabi solo lang siya," ayon kay Police Senior Inspector Jose Tucio.

Nang puntahan ng mga pulis at imbestigahan si Urbano, umamin siya na hindi talaga siya naholdap at itinuro ang dalawang kasabwat, na katrabaho rin niya sa kompanya.

Paliwanag niya, pumayag lang siya sa gusto ng dalawang kasama dahil sa banta umano na papatayin ang kaniyang pamilya kapag hindi susunod sa kanilang plano.

Nadakip sa follow-up operation ng pulisya ang dalawang suspek na sina Chester Narzoles at Salvador Obrero pero tumanggi silang magbigay ng pahayag.

Nakuha kay Obrero ang mahigit P90,000 na bahagi ng nakuha nilang pera kay Urbano. Nabawasan daw ang pera dahil nagastos na nila at pinang-inom.

Sinabi naman ni Noel Valderrama, branch manager ng pinapasukang kumpanya ng tatlong suspek, na maayos daw noon ang trabaho ng tatlo. Pero nitong mga nakaraang linggo ay ilang beses daw nawalan ng pera ang tatlo sa kanilang koleksyon.

Plano pa raw sana ng Valderrama na tulungan ang tatlo na gawing regular sa trabaho pero ngayon ay kaso ang kanilang kakaharapin dahil sa kanilang ginawa.-- FRJ, GMA News