Napasabak sa habulan ang mga rumorondang pulis ng Mandaluyong nang makita nila ang kakaibang "trip" umano ng dalawang sakay ng isang kotse— ang manirador ng mga taong nag-aabang ng masasakyan.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa video na isang kamay ang umusli mula sa bintana ng isang kotse at may tinirador.

Nang sandaling iyon, nagroronda naman ang tropa ni Senior Police Officer 1 Ricky Mel Corpuz ng Mandaluyong police at kaagad na umaksyon nang makita nilang may biktima na tinamaan sa braso.

"'Yung nakita naming tinamaan, immediately in-approach namin. Nu'ng nakita ko na meron siyang tama rito sa may braso," ayon kay Corpuz.

Umarangkada naman umano ang kotse kaya mula sa Shaw Boulevard, umabot pa hanggang Sta. Mesa, Maynila ang habulan bago nasakote ang lalaking drayber ng kotse at ang sakay niyang babae.

Nang komprontahin ang dalawa sa kanilang ginawang paninirador, idinahilan daw ng mga ito na "trip" lang umano ang kanilang ginawa habang trapik.

Nakuha sa dalawa ang tirador at mga nirolyong papel na ginawang bala.

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawa pero sinabi ng tiyuhin ng lalaking suspek na nakararanas depresyon ang kaniyang pamangkin.

Pag-amin ni Corpuz, first time niyang nakahawak ng naturang kakaibang kaso.

Kaagad naman daw nilang kinontak ang biktima at nagtungo na sa himpilan ng pulisya.

"Possible talaga masakit, masaktan kasi 'yung biktima na nagpunta dito nagko-complain sa kanila meron pang iniwang marks du'n sa braso," anang pulis.

Para kay Corpuz, mababaw na dahilan ang "trip" na sinasabi ng dalawang na sasampahan ng reklamong slight physical injury.

Payo naman ni Corpuz sa mga naiinip sa trapik, mag-sounds na lang kung naghahanap ng "trip."-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News