Sermon ang inabot ng mga pulis na inabutan ni National Capitol Regional Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar na natutulog sa police station nitong Lunes ng madaling araw. Ang suot na pantalon ng isang police woman, 'di rin pinalampas ng opisyal.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kabilang sa pinuntahan ni Eleazar ang Navotas police station at nakita ang nakaunipormeng si Police Officer 1 Roldan Marcos na natutulog sa conference room.

Pinaalala ni Eleazar kay Marcos ang kanilang patakaran na hindi dapat natutulog ang pulis sa oras ng kaniyang duty.

Ipinalinis din niya ang mga upos ng sigarilyo at kalat na napansin niya sa labas ng police station.

Sa Talipapa police station naman sa Quezon City, inabutan ni Eleazar si PO1 Kimmy Talang, na natutulog sa presinto at hindi pa nakauniporme.

Nakatawag pa ng pansin ng opisyal ang suot na pantalon ni Talang na punit-punit ang pantalon.

"Hindi porke walang complainant o nandito is natutulog kayo. Tingnan mo yung suot mo, anong klase 'yan," puna ni Eleazar kay Talang, na nakatalaga sa Women and Children's Protection Desk.

"Kapag may pupunta ritong complainant na mga kabataan makikitang ganyan [suot mo]. Ano ba namang klase... huwag nang mauulit ha," bilin niya.

Samantala, naka-lock naman ang pinto ng police community precinct-2 ng Novaliches police station nang dumating si Eleazar at nasa loob ang umano'y natutulog na desk officer na si SPO4 Francisco Eusebio.

Pero itinanggi ni Eusebio na tulog siya at nakakandado lang daw ang pinto para makasigurado lang sa seguridad.

"Bakit naka-lock tapos tulog ka pa. Anong hindi [tulog] kitang kita na tulog e. Binilin ko walang magla-lock ng opisina," giit ng opisyal.

Ilang pang police station ang pinuntahan ni Eleazar at pinagrereport niya sa kaniyang opisina para pagpaliwanagin ang mga pulis na inabutan niyang tulog. --Maia Tria/FRJ, GMA News