Karaniwang maliliit na bagay tulad ng wallet o cellphone ang nahuhuli-cam na sinisikwat ng mga organisadong kawatan sa mga pamilihan. Pero sa Malasiqui, Pangasinan, isang buong tangke ng LPG ang nabitbit ng mga magnanakaw sa isang tindahan. Panoorin.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa surveillance camera ng isang cellphone shop sa loob ng Malasiqui Public Market ang dami ng tao na aakalain mong mga kostumer.

Ang ilan pala sa mga ito, mga kawatan na may kani-kanilang diskarte para makuha ang isang tangke ng LPG na nasa labas.

Ang isang suspek, masimpleng itinutulak ng paa ang tangke palayo sa tindahan. May isa pang suspek na nagsisilbi namang lookout.

Ang isa pang babaeng suspek, may dala namang payong na nakabukas na ang silbi pala ay ipangtakip sa ginagawa ng kaniyang kasamahan.

Nang makakuha ng tiyempo ang isang suspek, binitbit na nito palayo ang mabigat na tangke ng LPG.

"Yung isang matanda doon, parang nililito niya yung kasamahan namin," ayon kay Henry Castro na may-ari ng tindahan. "May dalawa naman na pumasok dito siya, sila yung kumuha, eh unti-unti nilang nilalabas."

Natuklasa lang daw ni Castro na ninakaw na ang LPG niya nang makita ng isa niyang kasamahan ang naturang tangke na nasa harap ng katabi nilang tindahan.

Kaya kaagad daw nilang tiningnan ang kuha ng CCTV at doon nila nalaman na tinangay nga ang tangke ng LPG.

Nabawi naman nila ang tangke at hindi na nila inireport sa pulisya ang insidente. Gayunman, ipinost nila sa social media ang video para magsilbing babala sa iba upang makapag-ingat.-- FRJ, GMA News