Isang sawa na may habang 10 talampakan ang bumulabog sa mga customer ng isang ukay-ukay sa Surigao City, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Ayon kay Rose Daro, may-ari ng naturang ukay-ukay, nakita nila ang sawa sa kisame ng bodega.

"Gulat na gulat kami nung nakita namin 'yung ahas kasi sobrang laki talaga," aniya.

Nagpasaklolo na ang mga tindera nang bumagsak ang sawa mula sa kisame at isang matapang na customer ang humuli rito.

Na-turnover naman ang ahas sa nararapat na ahensya.

Base sa impormasyong nakalap ng GMA News Research mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), may iba't-ibang rason kung bakit lumalabas ang mga sawa. Maaaring naghahanap daw ito ng makakain o 'di kaya ay napuno ng tubig ang kanilang lungga dahil sa pag-ulan.

Posible rin daw na nagpapainit lang ang sawa dahil sa malamig na panahon. —Maia Tria/KBK, GMA News