Habang marami ang nagsasabing masarap ang magmahal at mahalin, napatunayan ng isang pag-aaral na nakakabubuti talaga sa kalusugan ng puso ang masayang pagsasama ng magkabiyak.

Ayon sa BMJ, isang pinagkakatiwalaang research journal, mas mataas ng 42 percent ang tiyansa na tamaan ng cardiovascular disease ang taong hiwalay, diborsiyado at walang asawa.

Lumabas naman na mas mataas ng 16 percent ang tiyansang magkaroon ng coronary heart disease ang mga walang kabiyak.

Mataas din daw ng 55 percent ang tiyansa ng mga hiwalay o hindi nag-asawa na mamatay sa stroke.

Inilathala ng UK-based na BMJ sa kanilang website ang resulta ng pag-aaral na isinagawasa sa mahigit 2 milyong tao sa loob ng apat na kontinente.

Nakasaad sa heart.bmj.com: "Being married appears to be associated a lower cardiovascular mortality anf incidence of a CVD in general population and mortality after myocardial infection."

"We observed a greater odds of death from coronary heart disease (CHD) and stroke in divorced compared with married individuals."

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa 24 Oras nitong Miyerkules, sang-ayon sa pag-aaral ang 78-anyos na ekonomista at propesor na si Mareng Winnie Monsod at sa asawa niyang 82-anyos na si Atty. Christian Monsod.

Inatake na sa puso si Mareng Winnie noong 2001 at nagka-stroke ito noong 2013.

Isa raw ang 57 taon ng masayang pagsasama sa mga sikreto kung bakit nananatili silang malakas sa edad nila.

"Kasi kung we are together and you blend with each other, you're sharing the stress so that when he is stressed, I share it. And when I am stressed, he shares it. And that helps tremendously just knowing that someone is behind you," sabi ni Mareng Winnie.

Sikreto din daw sa matagal nilang pagsasama ay ang pagiging palatawa daw ni Attorney Christian kay Mareng Winnie.

Sampol nito: "People have not seen that side of her. That's a little different from her public image. She's very affectionate...and she has a very strong left hook." —Margaret Claire Layug/JST, GMA News