Ang munting iyak ng binansagan nilang si Baby Papaya ang pumukaw sa atensyon ng ilang Imus traffic enforcer.

Sa ulat ni Oscar Oida sa 24 Oras ngayong Huwebes, nadiskubre ang sanggol sa bakanteng lote sa may Barangay Pag-asa, Imus, Cavite nitong Miyerkoles.

Tanghaling tapat pa man din nu'n at tanging puno ng papaya ang naging panangga ng sanggol sa noo'y napakainit na sikat ng araw.

"Nu'ng umiiyak siya nu'ng nakita ko nu'ng kinarga ko siya tumahan kaya pakiramdam ko nu'n tatay na rin ako nu'ng batang 'yun," ayon kay Fermin Lamberte, ang traffic enforcer na nakapulot kay Baby Papaya.

Para malamigan, dinala raw nila si Baby Papaya sa kalapit na restoran kung saan agad daw itong pinagkaguluhan.

"Doon na marami na gusto kumuha sabi namin 'di pa pwede turn-over muna namin sa (Department of Social Welfare and Development) para sila magproseso," aniya.

May mga ina pa ngang nagkusa na magpasuso kay Baby Papaya. Matapos nito, agad na raw nilang dinala sa DSWD ng Imus ang sanggol.

Sa obserbasyon ng mga social worker na unang tumingin kay Baby Papaya, tila wala pa raw 24 oras ang nakakalipas mula nang isilang ang sanggol.

"May mga sariwa pang dugo doon sa ulo niya at sa mukha niya. 'Yung kumot na nakabalot may mga bahid-bahid pa ng dugo pero malinis na 'yung baby at 'yung pusod niya naka-clip na," ayon kay Hermana Revilla ng CSWD-Imus.

Napa-check up na sa ospital si Baby Papaya at ayon sa mga doktor, maayos naman daw ang kanyang kalusugan.

Ayon sa Imus DSWD , ipapaalaga raw muna nila sa temporary custodian ang bata habang naghahanap sila ng institusyon o isang interesadong pamilya na aampon kay Baby Papaya

Pero ngayon pa lang, may mga nagpapakita na raw ng interes na umampon sa bata.

Sa ngayon pinangalanan muna si Baby Papaya na Nathaniel, na ang ibig sabihin ay gift from God.

Patuloy namang inaalam ng mga otoridad kung sino ang nag iwan ng sanggol sa lugar.

"Kung 'di naman niya kaya bakit kailangan pa niya iwanan sa liblib na lugar. Pwede naman niya ibigay sa amin?" ayon pa kay Fermin. —JST, GMA News