Laking gulat ng mga technician ng isang bangko sa India nang makita nila ang dahilan kung bakit ilang araw nang hindi gumagana ang kaniyang ATM o automated teller machine.

 



Sa ulat ng Reuters, sinabing nakita ng mga technician sa loob ng ATM ang gutay-gutay na mga pera na tinatayang nagkakahalaga ng $18,000, at isang patay na daga na hinihinala nilang may kagagawan ng mga nasirang pera.

“The ATM was out of order for a few days and when our technicians opened the kiosk we were shocked to find shredded notes and a dead rat,” sabi ni Chandan Sharma, branch manager ng State Bank of India (SBI) sa Tinsukia.

“We have started an investigation into this rare incident and will take measures to prevent a recurrence,” dagdag niya.

Hindi naman nakita sa security camera ang pagpasok ng daga sa makina.

Sa 2.9 milyong rupees ($42,685) na nasa ATM, 1.7 milyon rupees o $25,022 naman ang natirang buo at hindi nagalaw ng daga.

Sa Twitter post ni Nandan Pratim Sharma Bordoloi, makikita ang pinsalang hinihinalang ginawa ng daga sa mga pera.-- FRJ, GMA News