Nabahala ang mga residente ng Barangay Obrero sa Butuan City ng masangsang na amoy na inakala nilang galing sa chop-chop na bangkay.

Ayon sa Unang Balita ng GMA News nitong Biyernes, nanggaling ang masangsang na amoy sa isang paupahang kuwarto na matagal nang sarado.

Sabi ng may-ari ng kuwarto ay ilang buwan nang hindi umuuwi ang nangungupahang Pinay at ang kinakasama niyang Koreano.

Hinalughog ng pulisya ang kuwarto at natagpuan ang mga bugok na itlog na dahilan pala ng masamang amoy.

Nangamba ang mga residente sa masangsang na amoy dahil ilang araw pa lang ang nakakalipas nang may natagpuang mga parte ng katawan sa katabing lungsod ng Bayugan.

Nag-aalala ang ina ng nawawalang Pinay kaya patuloy pa rin ang paghahanap sa kaniya at sa ka-live in niyang Koreano. — Maia Tria/RSJ, GMA News