Nadakip ang dalawang kilabot umanong carnapper sa Pangasinan nang i-post nila sa social media para ibenta ang ninakaw nilang motorsiklo. Ang kanilang post, nakita naman ng kanilang biniktima at inagawan ng motorsiklo.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Sherwil Soliven at Michael John Quiboyen.

Inaresto sila ng mga miyembro ng PNP Highway Patrol Group sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Rosales matapos na magpanggap na buyer ng motorsiklo ang asset ng mga pulis.

Nabawi sa mga suspek ang motorsiklo na umano sa biktimang si Renato, 'di niya tunay na pangalan.

Kuwento ng biktima, Hunyo 28 nang harangin siya ng dalawang suspek na mga nakasakay din sa motorsiklo sa Brgy. Polong sa bayan ng Bugallon.

Tinutukan daw siya ng baril ng mga suspek at puwersahang tinangay ang kaniyang motorsiklo.

"Pagtutok po nila sa akin ng baril, agad-agad po 'kong bumaba kasi natatakot ako na baka ano eh may gagawin sa akin eh, patayin nila ako," sabi ni Renato.

Ngunit dahil sa pag-post ng mga suspek ng motorsiklo sa social media para sana ibenta, nagpanggap na buyer ang asset ng HPG na nagresulta sa entrapment operation.

"Nakita niya sa Facebook 'yung motorcycle niya so vinalidate (validate) namin, luckily lumutang naman 'yung mga suspects," sabi ni P/C Insp. Juanito Guinid, OIC, Highway Patrol Group Pangasinan.

Umabot na sa 50 kaso ng carnapping ang naitala ng HPG sa Pangasinan mula Enero hanggang Hunyo ngayong 2018.

Iniimbestigahan din ang dalawang suspek para malaman kung sangkot sila sa mga hindi pa nareresolbang kaso ng carnapping sa probinsiya.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek, na nahaharap sa kasong carnapping.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News