Dinakip ng mga awtoridad ang isang Amerikanong lumalabas sa ilang mga teleserye at pelikula sa Pilipinas na sangkot umano sa kasong mail at wire fraud habang nagtatrabaho noon sa United States Postal Service.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Biyernes, nadakip sa  Magdalena, Laguna si Osvaldo Gonzales na, na bahagi ng grupong umabot sa $6 million ang kabuuang natangay bago siya tumakbo papuntang Pilipinas.

Sa anim na taong nanatili sa bansa ang suspek, lumabas pa ito bilang isang aktor sa ilang teleserye ng isang TV network at malalaking pelikula.

Dinakip si Gonzales matapos siyang isumbong ng kanyang mga kapitbahay ang pananakit niya umano sa kanyang live-in partner.

Inaming ng suspek na may katotohanan ang mga kaso niyang fraud sa US.

"There is a truth in that, but I'm gonna get legal counsel," ani Gonzales, na itinanggi naman  ang pananakit sa kanyang kinakasama.

"That's not true, that's not true. And she's not my wife yet. She's my girlfriend."

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) Laguna District Office, na-verify nila sa US Embassy na isang US fugitive si Gonzales at nakatakda itong ipa-deport.

"Nakakuha kami, actually ng copy ng passport kasama ang iba pang data. Noong vinerify namin sa US Embassy, we were informed na he is a fugitive from justice sa US. So kino-ordinate na namin sa US Embassy tsaka sa Bureau of Immigration," ayon kay Daniel Dagazo, hepe ng NBI Laguna District Office.

"Itu-turn over namin sa Bureau of immigration for processing para magkaroon ng deportation," dagdag niya.

Ang suspek, nais pa raw manatili sa Pilipinas.

"Sometimes, we make mistakes in life and we try to fix them. I wanna stay in the country because I love the Philippines. I have never committed a crime here in the Philippines," sabi niya. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News