Gumawa ng batas ang Egypt na nag-aalok ng citizenship sa mga dayuhan na magde-deposit sa kanila ng hindi bababa sa pitong milyong Egyptian pounds o $392,000, at pagkaraan ng limang taon ay ibibigay sa kanilang Treasury department.

Layunin dito ng Egypt na mapalakas ang kanilang pananalapi at muling makaakit ng mga dayuhang namumuhunan na nawala umano simula nang magkaroon ng pag-aaklas sa kanilang bansa noong 2011, ayon sa ulat ng Reuters.

Gayunman, hindi pa umano malinaw kung ano ang mga economic benefits na maaaring makukuha ng isang dayuhan na mabibigyan ng citizenship dahil na rin sa mga nakalatag na limitasyon ng Egypt sa mga foreign investment projects.

Pero pinapayagan naman ang mga dayuhan na magmay-ari ng agricultural land at property sa Sinai peninsula, na may kinakaharap namang Islamist insurgency.

“The minister of interior may grant Egyptian citizenship to all foreigners that have resided in Egypt for a period of at least five consecutive years prior to applying for naturalization,” nakasaad sa inamyendahang batas.

“Upon the acceptance of the naturalization request, the value of the deposit shall be transferred to the public treasury,” dagdag dito.

Ang asawa at anak ng dayuhan na mabibigyan ng citizenship, hindi mabibigyan ng katulad na prebilehiyo kung hindi sila titira sa Egypt.

Ayon sa pinuno ng defense and national security committee ng parlamento na si General Kamal Amer, sinabing naayon ang bagong batas sa ginawang investment act na nagbibigay ng insentibo sa mga dayuhan na nais maglagak ng negosyo sa kanilang bansa. -- Reuters/FRJ, GMA News