Mabibili na sa isang department store sa London ang naimbentong jet suit na kayang ilipad ang magsusuot na parang superhero na si 'Iron Man' sa halagang $443,428.

Sa ulat ng Reuters, ipinakita ang paggamit ng naturang jet suit na maaari umanong lagyan ng jet fuel at maging ang diesel para gumana.

May tig-dalawang maliit na jet engine sa magkabilang kamay at isa sa likod ng suit.

Ayon sa gumawa ng jet suit na si Richard Browning, may bilis na 32 miles per hour (51 kph) ang gagamit nito at hanggang 12,000 feet (3,658 meters) ang taas na kayang ilipad.

“This consumes about four liters a minute in the hover (position) so you can fly for three or four minutes quite easily and we have got another version - certainly on a cold day when you get more thrust, it’ll fly for about nine minutes,” paliwanag ni  Browning nang ipinakita niya kung papaano gamitin ang suit sa isang kalye sa London.

“That’s something we’re looking to improve but it’s the inevitable consequence of flying without wings,” dagdag niya. -- Reuters/FRJ, GMA News