Dahil nawaldas daw ang kita ng pinapasukan nilang kainan sa pagbi-bingo, naisipan ng tatlong empleyado na palabasin na naholdap sila ng kawatang nakamotorsiklo sa Valenzuela City. Ang kaso, hindi umubra ang kanilang kuwento sa matinik na imbestigasyon ng mga pulis. Alamin kung papaano.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes,  makikita sa kuha ng CCTV ang pagdating ng isang naka-motorsiklo at naka-helmet na salarin sa naturang pansiterya na pinagtatrabahuhan ng inarestong empleyado na sina Carla Cruz at Maritess Navarro, at delivery boy na si Christian Jocson.

Ang naturang nakamotorsiklo ang sinasabi nilang tumangay sa kita ng tindahan. Matapos ang umano'y panghoholdap, nagtungo sila sa Valenzuela City police para ipa-blotter ang insidente.

Pero nagduda ang mga pulis sa istorya ng mga kawani kaya nagsagawa sila ng masusing imbestigasyon hanggang sa mabistong gawa-gawa lang ang holdap.

Natuklasan kasi ng mga imbestigador na bago ang umano'y holdapan, nakita sa CCTV ang delivery boy ng pansiterya na gumagamit ng motorsiklo sa paghahatid ng order.

Nang ikumpara ang video ng umano'y holdaper at delivery boy,  nakitang iisa lang ang itsura ng suot nilang tsinelas.

Dahil sa kuha na rin ng CCTV, hindi na nakatanggi at umamin na si Jocson.

"Nadawit lang ako. Hindi ako ang mastermind.  Gumawa lang ng scenario, kunwari hinoldap ko," saad ni Jocson.

Ayon kay Police Senior Inspector Jose Hizon, chief, investigation section, Valenzuela City police,  nalulong umano ang mga kawanisa sa e-bingo at nawalas ang kita ng tindahan.

"Hindi na kayang i-recover 'yung pera so gumawa na lang sila ng scenario na holdapin na lang ang tindahan," anang opisyal.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sina Cruz at Navarro.-- FRJ, GMA News