Sa halip na matuwa, nainis ang mga residente ng Paris sa bagong eco-friendly na ihian ng mga kalalakihan na inilagay sa gilid ng mga kalsada dahil wala itong takip kaya kitang-kita ang mga gumagamit.



Sa ulat ng Reuters, partikular na binabatikos ang tinatawag na “urinoirs” na inilagay sa Ile Saint-Louis, hindi kalayuan sa Notre Dame cathedral at matatanaw ang mga dumadaan na mga bangkang pang-turista sa Seine.

Sumulat na umano ang mga residente sa lokal na pamahalaan para alisin ang mga ihian.

“There’s no need to put something so immodest and ugly in such an historic spot,” sabi ni Paola Pellizzari, 68, may-ari ng isang Venetian art store.

“It’s beside the most beautiful townhouse on the island, the Hotel de Lauzun, where Baudelaire lived,” patungkol pa niya sa 19th-century French poet.

Pangamba pa niya, ang mga inilagay na ihian na nasa layong 20 metro sa isang paaralan ay maging daan ng "exhibitionism.”

Sinabi ng nagdisenyo ng “Uritrottoir,” na “eco solution to public peeing” ang naturang mga ihian. Tila ito kahon na may daanan ng ihi paloob na may dayami na magiging pataba na gagamitin sa mga parke at halamanan.

Iginiit naman ni Mayor Ariel Weil na kailangan ang naturang ihian.

“If we don’t do anything, then men are just going to pee in the streets,” anang lokal na opisyal. “If it is really bothering people, we will find another location.”-- Reuters/FRJ, GMA News