Umani ng paghanga ang isang 11-anyos na babae sa Dapitan City nang dalhin niya sa police station ang napulot na wallet na may lamang P13,000 para maibalik sa may-ari.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing umani ng papuri at nag-viral sa social media si Jenimie Rendon, estudyante ng Dapitan City Central School dahil sa ipinakita niyang katapatan.

Ayon sa pulisya, umaga nitong Miyerkules nang mapulot ni Rendon ang wallet habang naglalakad siya malapit sa Jose Rizal Memorial State University.

May laman na P13,000 ang wallet pero walang identification card kaya lumapit si Rendon sa pulisya para mahanap ang may-ari.
 
Nang tanungin umano ng mga pulis si Rendon kung bakit niya ibinalik ang wallet, ang simpleng sagot ng bata, hindi kasi sa kaniya ito.

Makalipas ang isang oras, nagpunta sa istasyon ng pulisya ang may-ari ng wallet na kinilalang si Erenoe Daguinotas.

Labis-labis ang pasasalamat ni Daguinotas dahil naibalik ang kaniya ang wallet at pera.

Pero hindi na nagpang-abot sa istasyon sina Daguinotas at Rendon.

At kahit walang pabuyang natanggap, sobra-sobrang papuri naman ang kaniyang inani mula sa netizens.-- FRJ, GMA News